Tuesday, August 22, 2006

Lasang Pinoy: Unang Annibersaryo


Napakabilis ng panahon, isang taon na pala ang Lasang Pinoy. Isang grupo ng mga Pinoy sa web na nagtipon-tipon upang bigyang halaga ang mga putaheng Pilipino. Sa loob ng isang taong pagkakaibigan at pagbibigayan ay naipahayag ng bawa't isa ang malaking pagmamalaki sa mga putaheng nagpapakita ng ating kultura bilang mga Pilipino.

Sa paggunita ng aming anibersaryo ay isinulat ko ang aking kontribusyon sa wikang Tagalog. Minarapat ni Stef na gawing paksa ng Lasang Pinoy ngayong buwan ng Agosto ang mga pagkaing nagpapakilala ng ating pagiging Pilipino. Mga putaheng sa amoy pa lamang ay alam mo ng pinoy na pinoy ito. Mga pagkaing iyong ipagmamalaking ihanda sa mga tao na hindi pa pamilyar sa mga pagkaing Pilipino. Kung ikaw naman ay nasa ibayong dagat, ito ang mga pagkaing iyong kinasasabikan at nagbabalik alaala sa iyong Inang Bayan.

Sa buwang ito ay nais kong ibahagi ang dalawa sa mga paborito kong pagkain. Ito ay ang sinigang na baka sa bayabas at inihaw na bangus.

Tubong San Ildefonso, Bulacan ang aking lola subalit hindi namin nakagisnan na magpunta sa San Ildefonso. Sa Sibul, San Miguel, Bulacan naroon ang malaking alaala ng mga tag-araw ng aking kabataan. Sa Sibul nagkaroon ng 2 ektaryang mahigit na lupa ang aking lolo. Doon kami laging nagbabakasyon. Doon ko natutunan ang pag-aani ng mani at pamimitas ng kamatis, talong, sitaw at okra. Maraming puno ng prutas tulad ng camatsile, bayabas, at kaimito ang inaakyat naming magkakapatid. Sa malinis na bukal kami naliligo, damang-dama ko pa ang lamig ng tubig na lumalabas sa gilid ng mga bundok. Kay sarap ng mga pagkaing inihahain ng kasama ng lolo ko sa lupa. Merong sinampalukang manok, corn soup, prito o inihaw na hito/dalag bukid, sariwang gatas ng kalabaw, native na itlog. Kapag nagpapatay ng baka ay iniihaw ito at ang ibang parte ay ginagawang sinigang sa bayabas. Dito ko natutunan ang pagluluto nito. Mula pa lang sa pagpitas ng hinog na bayabas ay aliw na aliw na ako. Napakabango ng amoy ng hinog na bayabas. Kinukuha rin namin ang ginagamit na mga sangkap sa mga tanim na nasa bukid katulad ng sili, talbos ng kamote, at puso ng saging. Lasang-lasa ang tamis ng sariwang gulay at prutas.

Habang niluluto ko ang sinigang na ito ay punong-puno ng amoy ng bayabas ang aming bahay. Pati nga mga kapitbahay ko ay alam na alam ang ulam namin. Ipagmamalaki kong ihanda ito sa aking magiging bisita na hindi sanay sa pagkain ng ating putahe. Alam kong magugustuhan nila ito, ang naghahalong asim at tamis ng bayabas ang nagbibigay ng kakaibang lasa sa putaheng ito.

Katerno ng sinigang ay ihahanda ko rin ang inihaw na bangus na may palamang sibuyas at kamatis. At siempre may sawsawang kalamansi at patis. Kung mapapansin natin, laging may katernong sawsawan ang ating mga pagkain, nakasanayan natin ito.


Ang pagiging pinoy ay nasa puso, isip, salita at sa gawa. Narito man tayo sa Pilipinas o nasa malayong bayan ay maipagmamalaki natin ang ating pagka-Pilipino. Kaya halina na, kumain tayo ng masarap na putaheng sariling atin. Maligayang kaarawan, mga katoto!!!

Salamat din sa iyo, Stef sa pagho-host ng ating Lasang Pinoy.

Sinigang na baka sa bayabas

Mga sangkap:

1 kilo baka

1/2 kilo hinog na bayabas

4 kamatis

2 puso ng saging

siling pansigang

4 tali talbos ng kamote

asin

Paraan:

1. Palambutin ang baka.

2. Ilagay ang kamatis, bayabas, at sili. Pakuluan hanggang sa maluto ang bayabas at kamatis.

3. Ilagay ang puso ng saging at timplahan ng asin.

4. Pagkaraan ng 5 minuto ay ilagay na ang talbos ng kamote, patayin ang apoy at takpan ang

kaldero.