Napakabilis ng panahon, isang taon na pala ang Lasang Pinoy. Isang grupo ng mga Pinoy sa web na nagtipon-tipon upang bigyang halaga ang mga putaheng Pilipino. Sa loob ng isang taong pagkakaibigan at pagbibigayan ay naipahayag ng bawa't isa ang malaking pagmamalaki sa mga putaheng nagpapakita ng ating kultura bilang mga Pilipino.
Sa paggunita ng aming anibersaryo ay isinulat ko ang aking kontribusyon sa wikang Tagalog. Minarapat ni Stef na gawing paksa ng Lasang Pinoy ngayong buwan ng Agosto ang mga pagkaing nagpapakilala ng ating pagiging Pilipino. Mga putaheng sa amoy pa lamang ay alam mo ng pinoy na pinoy ito. Mga pagkaing iyong ipagmamalaking ihanda sa mga tao na hindi pa pamilyar sa mga pagkaing Pilipino. Kung ikaw naman ay nasa ibayong dagat, ito ang mga pagkaing iyong kinasasabikan at nagbabalik alaala sa iyong Inang Bayan.
Sa buwang ito ay nais kong ibahagi ang dalawa sa mga paborito kong pagkain. Ito ay ang sinigang na baka sa bayabas at inihaw na bangus.
Tubong San Ildefonso, Bulacan ang aking lola subalit hindi namin nakagisnan na magpunta sa San Ildefonso. Sa Sibul, San Miguel, Bulacan naroon ang malaking alaala ng mga tag-araw ng aking kabataan. Sa Sibul nagkaroon ng 2 ektaryang mahigit na lupa ang aking lolo. Doon kami laging nagbabakasyon. Doon ko natutunan ang pag-aani ng mani at pamimitas ng kamatis, talong, sitaw at okra. Maraming puno ng prutas tulad ng camatsile, bayabas, at kaimito ang inaakyat naming magkakapatid. Sa malinis na bukal kami naliligo, damang-dama ko pa ang lamig ng tubig na lumalabas sa gilid ng mga bundok. Kay sarap ng mga pagkaing inihahain ng kasama ng lolo ko sa lupa. Merong sinampalukang manok, corn soup, prito o inihaw na hito/dalag bukid, sariwang gatas ng kalabaw, native na itlog. Kapag nagpapatay ng baka ay iniihaw ito at ang ibang parte ay ginagawang sinigang sa bayabas. Dito ko natutunan ang pagluluto nito. Mula pa lang sa pagpitas ng hinog na bayabas ay aliw na aliw na ako. Napakabango ng amoy ng hinog na bayabas. Kinukuha rin namin ang ginagamit na mga sangkap sa mga tanim na nasa bukid katulad ng sili, talbos ng kamote, at puso ng saging. Lasang-lasa ang tamis ng sariwang gulay at prutas.
Habang niluluto ko ang sinigang na ito ay punong-puno ng amoy ng bayabas ang aming bahay. Pati nga mga kapitbahay ko ay alam na alam ang ulam namin. Ipagmamalaki kong ihanda ito sa aking magiging bisita na hindi sanay sa pagkain ng ating putahe. Alam kong magugustuhan nila ito, ang naghahalong asim at tamis ng bayabas ang nagbibigay ng kakaibang lasa sa putaheng ito.
Katerno ng sinigang ay ihahanda ko rin ang inihaw na bangus na may palamang sibuyas at kamatis. At siempre may sawsawang kalamansi at patis. Kung mapapansin natin, laging may katernong sawsawan ang ating mga pagkain, nakasanayan natin ito.
Ang pagiging pinoy ay nasa puso, isip, salita at sa gawa. Narito man tayo sa Pilipinas o nasa malayong bayan ay maipagmamalaki natin ang ating pagka-Pilipino. Kaya halina na, kumain tayo ng masarap na putaheng sariling atin. Maligayang kaarawan, mga katoto!!!
Salamat din sa iyo, Stef sa pagho-host ng ating Lasang Pinoy.
Sinigang na baka sa bayabas
Mga sangkap:
1 kilo baka
1/2 kilo hinog na bayabas
4 kamatis
2 puso ng saging
siling pansigang
4 tali talbos ng kamote
asin
Paraan:
1. Palambutin ang baka.
2. Ilagay ang kamatis, bayabas, at sili. Pakuluan hanggang sa maluto ang bayabas at kamatis.
3. Ilagay ang puso ng saging at timplahan ng asin.
4. Pagkaraan ng 5 minuto ay ilagay na ang talbos ng kamote, patayin ang apoy at takpan ang
kaldero.
15 comments:
Salamat sa iyong paksa, napakagaling ng pagkakasulat! Ako rin ay mahilig sa sinigang sa bayabas, kaya lang ay mahirap makahanap ng bayabas dito.
Na paka sarap naman ng sinigang na baka mo. Ang galing galing din ng sulat hindi ko maaring gawin ito at ang tagalog ko ay hindi naman magaling na. Gusto ko rin yung inihaw na isda. Na mi-miss ko na rin ito. Ang sarap namang tingnan. Ma i de-desktop saver ko kaya? Para makita ko parati? hehe. Miss ko na ang bangus talaga. May seabass dito - magawin kaya next time na mag bbq kami.
Salamat ha? Nalalaway tuloy ako!
sugarcocoon:
Sayang at walang bayabas diyan, pero kapag nagawi ka sa Fili store baka may mabili ka na Knorr or Maggi sinigang sa bayabas mix. Hindi man siya ganoong kasingsarap ng sariwang bayabas pero pwede na rin ang lasa.
mae:
Oo nga matagal ka na rin diyan kaya di na ganito kagaling ang tagalog mo. Pero ako rin marami na ring taglish kasi iyon na ang uso dito sa atin. Napalitan na ang Filipino alphabet kaya accepted na rin ang mga foreign words.
Salamat sa inyong dalawa sa pagdalaw sa aking "bahay."
Ansarap ng puso ng saging sa sinigang! Tapos yung dilaw pa ang ginamit mong puso...mas masarap yan kaysa pula. May kasabay pang inihaw na bangus...tulo laway ang lagay ko dito!
great blog ..... sarap talaga kumain
ang galing naman ng entry mo lani! ako heto at hindi pa nakakasulat. naisip ko ding sumulat ng tagalog kaya lng ni hindi ko pa nga alam kung ano ang aking magiging entry :D
happy anniversary sa lasang pinoy at sa ating lahat!
maligayang kaarawan (tama ba? )sa lasang pinoy! yehey!
alam mo ba na paborito ko ito sa lahat ng sinigang? at kung di ako nagkakamali, ito ang unang-unang kontribusyon ko sa LP na niluto ko talaga...sarap talaga! na-miss ko tuloy ulit ang sinigang na baka sa bayabasn ng mama ko!
Mita:
Oo nga iyan ang masarap sa puso ng saging, hindi maganit. Sarap din sa kare-kare.
LakbayPilipinas:
True ka diyan. Kaya nga ako nabubuhay para kumain. Ups... parang baligtad :)
Iska:
Tenkyu at nagalingan ka sa entry ko :) Dami kasing mapagpipilian, sa totoo lang mahirap magpasya. Sarap kasi food natin talaga.
Ces:
Talagang ang sarap ng sinigang na ito. Swabe ang asim, at mas masarap kapag sariwang sangkap ang inilalagay natin.
Sa inyong lahat, maraming salamat at maligayang kaarawan.
Nakakaantig ng damdamin at ng tyan ang iyong paksa, binibining Lani!
ang galing ng iyong isinulat, lani. Napilitan tuloy akong magtagalog na rin dahil lahat din ng mga nagiwan ng pagbati ay puro tagalog.
Naglaway ako dun sa sigang sa baybas, no? Ginutom tuloy ako! Buti na lang at kahit papaano meron din namang bangus dito at pwede rin naman akong mag ihaw paminsan minsan. Presyong ginto nga lang, pero pwede na rin :-D
Watson:
Sobrang naramdaman ko ang pagkaantig ng iyong damdamin at tyan. Sa katunayan kumakain na naman ako ngayon :)
JMom:
Kung marunong lang din ako ng ibang dialect, ginawan ko rin kaso tagalog lang alam ko. Talagang pinoy na pinoy di ba?
Mabuti may bangus diyan kaya lang ginto ang presyo pero ok na rin na paminsan-minsan.
Pag nagbakasyon ka dito sa Pinas, kailangan talagang mag-enjoy ka sa kakakain ng mga pagkaing sariling atin.
Maraming salamat sa inyo!
Good morning Ms. Lani! Miss ko naman yung inihaw na bangus mo..
And yeah i agree, Filipino tayo sa isip, salita at gawa.
napaka-makata naman yata ng pagkakasulat ng iyong lahok sa pagdiriwang ng unang kaarawan ng lasang pinoy. ako ay natutong kumain ng sinigang sa bayabas dahil sa aking lola na tubong-nueva ecija subalit ni minsan ay hindi ko pa sinubukan magluto ng ganitong estilo . . .
happy anniversary!
Naku, Lani, ang sarap namang kainin nito at ang sarap ding basahin ng post mo!!! Grabe. Maraming salamat for joining us once again. Mabuhay ang Lasang Pinoy!
Luchie:
talagang pinoy na pinoy tayo. Wala ba sa lugar niyong bangus? Sana meron kahit paminsan-minsan.
Mang Mike:
Naging makata ako ngayong anibersaryo natin. Ganun ba? Akala ko pareho ang istilo ng pagluluto sa Nueva Ecija at Bulacan since magkalapit lang ang 2 provinces na ito.
Stef:
Mabuhay tayong lahat!!! Laking bagay ng LP sa atin, nananariwa ang alaala ng ating kabataan at ang kasaganaan ng ating kultura.
Yes, lagi ako jojoin.
Thank you po sa inyong 3.
Post a Comment